Miyerkules, Nobyembre 23, 2011

2 YEARS AND STILL, NOTHING


"Kumukupas na po ang ang itim na damit ko, dalawang taon na namin po itong ipinaglalaban"-pahayag ni Kapatid na Juliet Evardo, ina ng Kapatid na Jolito Evardo ng UNTV, isa sa nasawi sa Maguindanao Massacre.

Noong Nobyembre 23, 2009, ay 57 na kagawad ng media, pati ng mga kasama ng asawa ni Governor Ismael "Toto" Mangudadatu, ay walang awang pinagpapatay sa Shariff Aguak Maguindanao.


Ngayon nga ay dalawang taon na ang pangyayaring ito, ngunit wala pa ring nangyayaring pag-usad. Hindi ko rin maintidihan kung ibig ba talaga ng Korte Suprema na maitelevised ang paglilitis ng mga akusado. Pinayagan nga nila, ngunit katakot-takot na restriction ang nakapaloob. Umalma tuloy ang mga istasyon, na sana'y magsasahimpapawid ng paglilitis. Hanggang sa ito'y nabaon na rin sa limot.


Kahit nga nakakulong nga ang mga Ampatuan, ngunit ang kanilang kapangyarihan ay hindi maikukulong. Nito lamang nakaraang Agosto, ay kamuntikan nang madale si Maguindanao Governor Toto Mangudadatu, pinalad lamang siya at hindi siya mapahamak, ngunit hindi pinalad ang kaniyang Board Member Russman Sinsuat. Wala naman ibang maaaring magtangka ng ganoon kay Mangudadatu, kundi ang mga nasa likod din ng Maguindanao Massacre, na pinaniniwalaang ang mga Ampatuan.


Nobyembre 22, 2011, ay sinampahan ng kasong sibil ang dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ng mga kaanak ng mga nasawi sa Maguindanao Massacre. Ito ay sa pagpapahintulot niya na magkaroon ng private army ng mga Ampatuan, na siyang ginamit nila sa nangyaring massacre, pati na rin sa pagbaliwala niya sa human rights abuses ng mga Ampatuan, at bilang Commander-in-Chief, sa pagbaliwala ng AFP, sa paghingi ng security escort ni Toto Mangudadatu, para sa convoy. Sabi nga ng isang abogado, hindi lang ito basta massacre, kundi genocide.

Dahil nga sa Maguindanao Massacre, ang Pilipinas ay nasama sa mga lugar na delikado para sa mga mamamahayag, kasama nga natin ang mga lugar na may kaguluhan at digmaang kasalukuyan.

Nito ring kamakailan ay nagkaroon ng engkwentro sa Basilan, kung saan na-ambush ang mga sundalo ng mahigit 200 na pinaniniwalaang mga MILF(Moro Islamic Liberation Front). Dahil nga sa pangyayari ay maraming nanawagan ng ALL-OUT WAR, ngunit ang tugon ni Pangulong Noynoy Aquino ay ALL-OUT JUSTICE.


Napakadali ngang sabihin niyang ALL-OUT JUSTICE, ngunit ang iyan ang paninindigan ng Pangulo, wala nga tayong magagawa. Sana nga lang ay maging totoo. Kung papaanong ang ALL-OUT WAR ay indiscriminatory, sabi nila, gayun din dapat ang ALL-OUT JUSTICE. Hindi lang nakafocus sa isang pangyayari, dapat ay madamay din naman sa sinasabing ALL-OUT JUSTICE, lalong lalo na ang mga biktima ng Maguindanao Massacre. Huwag naman sanang paabutin pa ng susunod na taon ang kasong bito bago maresolba, at mahatulan ang mga nagkasala.


Ito nga ay pangyayaring pwede namang hindi naganap. Kung naging matapang lamang si Mangudadatu, na mag file ng sarili ng COC, may army din naman siyang sarili. Di sana'y sila na lang ng mga Ampatuan ang nagsagupaan, at walang ibang nadamay na wala namang kinalaman. Ginawa niya kasing, para sa akin, ay defense shield ang kaniyang asawa at ang media.

At ang mga Ampatuan, kaya naman nila maniubrahin ang halalan, ng walang patayan, gaya ng dati nilang nagagawa, gaya ng nangyari kay FPJ, na naging 0 sa kanilang mga nasasakupan. Ang massacre na ito ay naganap, because of the powers that shouldn't be.

Dahil din sa pangyayaring ito, ay may mga pamilya na nawalan ng asawa, anak, kapatid, kamag-anak at kaibigan, dahil lamang sa mga taong ganid sa kapangyarihan.

At para sa mga mamamahayag, para sa akin nga, hindi karapatdapat nga ang pamagatang "AMPATUAN MASSACRE" ang naganap dalawang taon ang nakalilipas, mas karapatdapat nga ang pamagat na "MAGUINDANAO MASSACRE". Ito nga ay dahil hindi naman ang mga Ampatuan, ang pinagpapatay, bagkus sila pa nga ang pinaniniwalaang pumatay sa mahigit 57 ka tao sa Maguindanao.

Ang aking ultimatum sa mga humahawak ng kaso para maresolba ay hanggang 2012 lamang. Pangulong Noynoy, panindigan mo ang sinasabi mong ALL-OUT JUSTICE, mas karapatdapat ngang magtamo ng hustisya ang mga nasawi sa Maguindanao Massacre kaysa sa sundalo na nasawi sa Basilan. Ang mga sundalo nga ay may baril, kaya nilang lumaban, at bahagi ng kanilang sinumpaang tungkulin ang mamatay sa pagtatanggol sa bayan. Ang mga nasawi sa Maguindanao Massacre, kamera, telepono, ballpen lang ang hawak na armas, wala silang kalaban-laban sa private army ng mga Ampatuan. Hindi ko sinasabi na isantabi na lang ang nangyari sa Basilan, ang sa aki lang ay unahin muna bigyang hustisya ang mga biktima ng Maguindanao Massacre, dahil ito rin naman ay nauna sa pangyayari kaysa sa Basilan

Muli ay isisgaw ko, KATARUNGAN PARA SA MGA BIKTIMA NG MAGUINDANAO MASSACRE. Huwag na sanang magkaroon ng ikatlong taon bago matamo ng mga naiwan, ang hustisya na nararapat lamang sa kanila.


2 TAON NA, HANGGANG KAILAN PA?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento